Binigyan ng 10 araw ng Supreme Court (SC) ang mga opisyal ng DOTr at LTFRB na magbigay nang sagot sa petisyong inihain ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON).
Matatandaang nagsagawa ng serye nang tigil-pasada ang PISTON kamakailan dahil kinukwestiyon nito ang ipinatutupad na jeepney phaseout at modernisasyon program ng gobyerno.
Nauna nang naghain sa SC ang PISTON ng “Petition for Certiorari and Prohibition with Urgent Application for a Temporary Restraining Order” at “Writ of Preliminary Injunction” laban sa PUV Modernization Program, na kapag tuluyan nang naipatupad, ay mag-aalis sa lahat ng tradisyonal na jeepney sa mga lansangan sa buong bansa.
Bukod sa 10 araw na deadline para sagutin ang petisyon, inatasan ang DOTr o Department of Transportation at LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board na personal na ihain sa SC at sa mga petitioner ang kopya ng kanilang sagot.