Kasabay sa paggunita ng UN International Migrant Workers Day, hinimok ni Senador Imee Marcos ang gobyerno na “harapin ng masinsinan ang mga nakakagambalang kaganapan sa mundo” upang manatili itong may kaugnayan sa Filipino migrant workers.
Nagbabala si Marcos na “ang mga banta sa kanilang mga trabaho, kung hindi man sa kanilang buhay,” ay lumalala, partikular sa mga Pilipinong marino. Ito’y dahil sa kasalukuyang estado ng pandaigdigang industriya ng maritime at lumalawak na mga sigalot sa mundo.
“Kakaanunsyo lang ng Maersk at Hapag-Lloyd na titigilan na nila ang kanilang mga operasyon sa Red Sea, kung saan ang mga rebeldeng Houthi ng Yemen ay umaatake sa mas marami pang mga cargo ship upang ipaghiganti ang pagkamatay ng mga sibilyang Palestinian sa Gaza,” paliwanag ng senador.
Dagdag pa niya, nangyayari ito habang ang shipping companies ay nahaharap sa mas malaking gastos, mas mababang singil sa kargamento, at paghina sa negosyong container transport habangsobra ang supply ng mga barko.
Tinukoy niya ang plano ng Maersk na tapyasin na ang 10,000 trabaho at ang 58 porsyentong pagbaba ng kita ng Hapag-Lloyd sa katapusan ng Setyembre 2022.
Binubuo ng mga Pilipino ang 40 percent ng mga marino ng Maersk, at kung mawalan ng trabaho ang 4,000, tinatantya ni Marcos na ang pagbaba ng mga remittance ay maaaring umabot ng daan-daang milyong dolyar taun-taon.
Ang mga Filipino seafarer, na kabilang sa mga may pinakamataas na sahod na overseas Filipino worker (OFW), ay kinakailangang mag-remit ng hindi bababa sa 80 percent ng kanilang suweldo bawat buwan at nakapag-ambag ng US$6.7 bilyong o humigit-kumulang 20 percent sa kabuuang OFW remittances noong 2022, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Nababahala si Marcos na ang pagkawala ng mga trabaho sa mga Filipino seafarer at ang kakulangan ng mga pagpipiliang trabaho sa Pilipinas ay maaaring maging dahilan para mapilitan ang kanilang mga asawa na maging breadwinner ng pamilya, na magdudulot ng pagkabasag ng tradisyonal na nakasanayan ng mga pamilya.
Ang mga kababaihan ang bumubuo ng 57.8 percent ng halos dalawang milyong OFWs, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority para sa 2022 – na mas mataas kaysa sa world average na 48.1 percent noong 2021.
“Panahon na upang lumikha ng isang support network para sa posibilidad na maging mga solong ama ang ating mga seafarer,” hikayat ni Marcos.
Habang ang shipping companies ay nagsasagawa ng mga hakbang tungo sa green energy, hiniling din ni Marcos ang mas magandang pasahod at hindi lang mga training program para sa mga Pinoy seafarers na mailalagay sa mga barkong umaandar sa methanol.
“Hindi palaging ligtas ang green energy, dahil ang methanol ay napakadaling magliyab. Ang mas mataas na panganib ay nararapat na tumbasan ng mas mataas na kabayaran,” ayon pa sa senador.