Dahil sa pagsipa sa 36 percent ng mga taong nagkaroon ng Covid-19, hinihimok ni Senador Bong Go ang publiko — lalo na ang high-risk individuals — na palaging magsuot ng face mask.
Dahil dito, inisnunsyo kamakailan ng Philippine General Hospital na ang lahat ng nasa paligid at loob ng ospital ay dapat na magsuot palagi ng face mask.
Ayon kay Go, “Kung hindi naman sagabal, kahit na ikaw ay may malusog na pangangatawan, magsuot tayo ng mask upang maiwasan nating magkasakit, hindi lang ng COVID-19 kundi ng iba pang nakakahawang respiratory diseases. Hindi lang naman ito proteksyon sa ating sarili kundi para na rin sa mga kasama natin sa bahay na mga matatanda, may sakit at mga vulnerable.”
“Mahigit dalawang taon naman tayong naging disiplinado sa pagsuot nito. Parang rehearsal na ang nakaraang pandemya sa magiging health protocols natin. Importante mapanatili natin ang disiplina na natutunan natin noong panahon ng pandemya. Wala akong nakikitang rason kung bakit hindi ito maging bahagi ng ating displina sa araw-araw,” dagdag pa niya.
Pwede raw magpatawag ng senate hearing si Go para marinig ang plano ng Department of Health (DoH) para mapaghandaan pagkontrol sa sakit na ito.
Ilan sa mga posibleng titingnan ng senado ang pagbusisi sa ating health protocols, porsyento nang paggamit ng Covid-19 hospitals, status ng bakuna, mga gamot, at protective equipment, pati na rin ang kahandaan ng lokal na pamahalaan sa buong bansa.
“Sa muli, apela ko ulit sa mga kababayan natin na palaging ingatan ang inyong kalusugan dahil katumbas ito ng inyong buhay…Mag-ingat po tayo,” pagtatapos ni Go.