HINDI malinaw ang motibo.
Ito ang pahayag ni Teofilo Guadiz III, chair, Land Transportation Franchising and Regulatory Board LTFRB, matapos pasukin ng 10 armandong lalaki ang kanyang bahay sa Dagupan City.
“While this incident has shaken our family, I remain committed to my responsibilities at the LTFRB, and I am confident that justice will be served. Updates on the investigation will be provided as they become available… It seems personal, and the motive remains unclear,” pahayag ni Guadiz.
Ayon sa Dagupan City police, isang puting van at isang itim na sports utility vehicle (SUV) ang dumating sa lugar, sakay ang mahigit sa 10 lalaki.
Magbibigay lang daw ng regalo ang grupo kaya pinapasok. Pagkabukas ng gate, mabilis na nagsipasok sa loob ng bahay ang mga suspek, na kung saan naroroon ang isang 91-anyos na lola pati na ang kanyang kasambahay. Hindi naman sinaktan ang dalawa.
Matatandaang nauna nang hinihiling ng PISTON sa LTFRB pati na sa Malacañang na huwag munang ipatupad ang deadline ng consolidation ng prangkisa sa Disyembre 31.