Agad na kumilos ang Philippine Red Cross para tulungan ang mga indibidwal na naapektuhan ng magnitude 6.8 na lindol sa Sarangani at Davao Oriental.
Ayon kay Richard Gordon, chairman at CEO ng PRC, agad na nagplano at nagsagawa nang mabilisang pagtugon ang kanilang team sa mga naapektuhan ng malakas na lindol.
Mabilis na rumesponde ang emergency medical services ng PRC sa mga naapektuhang estudyante at iba pang napinsalang paaralan, gusali, at mga komunidad.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, pito na ang naitalang namatay, dalawa ang sugatan habang dalawa pa ang nawawala matapos tumama ang malakas na lindol sa ilang bahagi ng katimugang Mindanao noong Biyernes.