
Nanindigan ang Department of Education na wala silang ipatutupad na kanselasyon ng klase sa Lunes sa kabila ng transport strike ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON.
Ayon sa DepEd, nasa kamay na ng local government units ang desisyon kung magdedeklara o hindi ng suspensyon ng klase sa kani-kanilang lugar.
Gayunman, iginiit ng kagawaran na hindi dapat maabala ang klase sa mga paaralan.
Una nang sinabi ng grupong PISTON na apatnapung ruta ang posibleng maapektuhan ng tigil-pasada, kabilang ang Monumento, Baclaran, Katipunan, Novaliches, at Commonwealth.