Humingi na rin ng paumanhin ang Metropolitan Manila Development Authority kay dating Ako Bicol Party-List Rep. Christopher Co.
Ito’y matapos iulat ng ahensya na isa sa mga sasakyang nahuling dumaan sa EDSA bus lane, na may numero 8 na plaka, ay pagmamay-ari ng dating mambabatas.
Inamin ni MMDA Chairman Romando Artes na hindi vinerify ni suspended Task Force Special Operations Chief Bong Nebrija kung pagmamay-ari ni Co ang naturang sasakyan bago nito inilabas ang impormasyon.
Sinabi pa ng MMDA chief na nakipag-ugnayan na sa kanila ang dating mambabatas at hiningi rin nito ang pangalan ng mga driver na nagdawit sa kanya sa EDSA bus lane violation.
Dagdag pa ni Chairman Artes, ibibigay din nila ang impormasyon ng mga driver at mga sasakyang iniuugnay kay Co, dahil nais nitong paimbestigahan ang insidente sa National Bureau of Investigation.