PINADALHAN ng subpoena si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng Quezon
City Prosecutor’s Office dahil sa reklamong grave threats na inihain ni ACT-
Teachers Party-list Rep. France Castro.
Sa subpoena na inissue ni Quezon City Senior Asst. City Prosecutor Ulric
Badiola, hiniling si Duterte na magtungo sa kanilang tanggapan sa ika-4 at 11 ng
Disyembre, 2:30 ng hapon.
Inutusan din ng prosecutor’s office si Duterte na mag-submit ng kanyang
counter-affidavit, pati na rin sa kanyang mga testigo. Isinaad din ng subpoena
na hindi diringgin ang anomang “motion to dismiss”.
Sinabi ni Castro, na isang House of Representatives minority leader, na kaya
niya inireklamo si Duterte matapos itong nagsabi ng death threats laban sa
kanya sa national television, nang nagsalita ito tungkol sa confidential funds ng
kanyang anak, si Vice President Sara Duterte.
Mariing sinalungat ni Castro ang kahilingan na confidential funds ng Office of the
Vice President, habang ito’y tinatalakay sa Mababang Kapulungan.
Ayon kay Tony La Viña, abogado ni Castro, nahaharap si Duterte nang
pagkakakulong na hanggang anim na taon at multang aabot sa₱100,000 kapag
napatunayang guilty.