KULUNGAN ang bagsak ng tatlong tulak ng ilegal na droga, kabilang ang dalawang bebot matapos maaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation ng Navotas City Police, Lunes ng madaling araw.Â
Sa ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes na bandang 2:15 Lunes ng madaling araw nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Genere Sanchez sa buybust operation sa Badeo 4 St., Brgy. San Roque, si Rosanna Garcia alyas “Osang,” 37, (pusher/listed) ng Marikit St., Brgy. Tanza-1.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 4.5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na ₱30,600 at buy-bust money na isang tunay na ₱1,000 bill, kasama ang walong pirasong ₱1,000 boodle money.
Nag-ugat ang pagkakadakip sa suspek makaraang magpositibo sa isinagawang validation ang ibinunyag ng isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa ilegal drug activities ni Osang.
Samantala, bandang 1:15 naman ng madaling araw nang maaresto ng kabilang team ng SDEU sa buy-bust operation sa A. Dela Cruz St., Brgy. San Roque sina alyas “Baldo,” 48, (pusher/listed), 48 at alyas “Analyn,” 29, kapwa ng Brgy. Tangos North.
Nakuha sa kanila ang nasa 4.20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱28,560 at isang ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek at nakakulong sa Navotas detention cell.