IBINALITA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na pinayagan na ng
gobyerno ng Israel at Egypt ang mga Pilipino na lumikas palabas ng Gaza Strip gamit ang
Rafah Crossing.
Tiniyak ng Pangulo na nakahanda na ang lahat ng ahensya ng gobyerno na naglilingkod
sa OFWs na tumulong sa paglikas ang mga Pilipino mula sa digmaan sa loob ng Gaza.
Magmula nang nagsimula ang gulo nitong Oktubre 7, patuloy na nakipag-ugnayan ang
ating gobyerno sa Foreign Minister ng Israel, katuwang si Israeli Ambassador to the
Philippines, Ilan Fluss.
Nitong Huwebes, nakipagpulong din si Philippine Ambassador to Israel Junie Laylo sa
Foreign Minister ng Israel at nangako ang huli na papayagan ang mga Pilipino na
makatawid sa Rafah Crossing.
Sinabi pa ni Marcos, “So, may pangako sila sa atin na maipapalabas na ang mga Pinoy,
ang mga Pilipino, maipapalabas na by today or tomorrow. That is what they promised us.
Saturday daw at the latest.”
Inabisuhan din ng ating gobyerno ang mga bansang kasapi ng ASEAN na handa itong
tumulong para makalabas din ang mga Thai, Vietnamese, at iba pang mamamayan sa
Southeast Asia na nasa loob ng Gaza Strip.
Hindi pa raw nareresolba, ayon sa Pangulo ang problema sa sitwasyon ng ilang Pilipino
na nakapag-asawa ng Palestianian, dahil ang huli ay hindi pinapayagang umalis sa Gaza.