DAPAT agad na tugunan ng bagong agriculture secretary ang mga malalaking isyu sa
industriya ng pagsasaka.
Ito ay ayon sa mga pinuno ng agro-industrial sector nitong Biyernes, sa harap nang
pagkakatalaga kay Francisco Laurel Jr. bilang bagong Kalihim ng Agriculture.
Sinabi ni Danilo Fausto, pangulo ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc.
(PCAFI), na dapat na busisiin ni Laurel kung bakit mahina ang produksyon ng palay o
bigas, na siyang dahilan kung bakit lomobo ang presyo nito nang nakaraang mga buwan.
Kung malulutas daw ito, maaaring tumaas ang produksyon ng bigas sa susunod na taon.
Sinabi ng ilang ekonomista na ang pagsipa sa presyo ng bigas ang isa sa mga dahilan
kung bakit nagkaroon ng inflation o pagtaas ng presyo ng bilihin sa taong ito.
“Rice is a politically-sensitive commodity. Looking into supply issues to put prices in check
should be the first order of business,” ani Fausto.
Umapela rin siya kay Laurel na dapat niyang pangunahan ang pagpapalakas ng export ng
ating mga prutas at iba pang high-value crops. Idinagdag pa niya na apat na prutas
lamang ang ating export – saging, niyog, manga, at pinya.
Ipinaliwanag ni Fausto na mayroon pang malaking merkado sa ibang bansa na hindi pa
napapasok ng ating exporters gaya ng ube o purple yam, durian, at iba pa. Kulang na
kulang ang suplay nito sa mga merkado sa ibayong dagat.
Samantala, sinabi ni Elias Jose Inciong, pangulo, United Broiler Raisers Association
(UBRA) na dapat umanong pabilisin ni Laurel ang pamamahagi ng bakuna para sa avian
influenza (AI), at kailangang maibigay agad ito sa mga magsasaka at poultry raisers.
“Acquiring AI vaccines has been so hard, that some poultries have resorted to buying
them through Lazada and Shopee. But it is uncertain whether they would work. I think
making vaccines [should be] readily available,” pagtatapos ni Inciong.