OPISYAL na ipinahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagdating sa
bansa ng panibagong grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Israel
kahapon.
Kasama sa mga dumating sa NAIA Terminal 3 ang 60 OFWs at dalawang maliliit na
bata. Sila ay sinalubong ng ilang opisyal ng DMW at representatives ng iba’t-ibang
ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa mga OFWs.
Umabot na sa 119 OFWs pati na kanilan kapamilya ang nakabalik na sa bansa mula
sa Israel sa pamamagitan libreng repatriation flights ng gobyerno.
Ipinahayag ng DMW na tumanggap na kahapon ng tulong pinansiyal at iba pang
ayuda ang 119 na OFWs.
“Nagkakahalaga ng US$200 ang natanggap ng mga benepisyaryo para sa kanilang
agarang pangangailangan, at mayroon ding P100,000 [bawat OFW] mula sa
Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers sa kanilang pagdating
dito sa Pilipinas. Kabilang sa mga suportang natanggap ay para sa check-up,
accommodation, at travel expenses para sa kanilang pag-uwi. Bukod dito, handa rin
ang pamahalaan na magbigay ng mga pagsasanay at pondo para sa reintegrasyon ng
mga OFWs sa Pilipinas,” ayon sa Presidential Communications Office.
Inaasahang mas darami pa ang makauuwing OFWs mula Gaza Strip kapag tuluyan
nang nabuksan ang Rafah Crossing sa pagitan ng Gaza at Egypt.
Samantala, ayon sa pinakahuling report, umabot na sa mahigit 1,400 ang mga
napapatay sa Israel, kabilang ang apat na OFWs, at mahigit 8,000 naman sa panig ng
Palestine, na halos kalahati nito ay mga babae at bata.