HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DoE) at distribution
utilities, gaya ng Meralco, na tiyakin ang tuluy-tuloy na daloy ng kuryente, lalo na sa election
hotspots, bago ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang anumang pagkaputol ng kuryente sa araw ng halalan ay
maaaring magdulot ng mga alalahanin tungkol sa kapayapaan at kaayusan, na posibleng mauwi
sa pandaraya o dayaan na maaaring makasira sa integridad ng proseso ng halalan. Ito raw ay
posibleng mangyari lalo na sa mga liblib na bayan o lugar.
“Ang pagtiyak sa integridad at kredibilidad ng isang halalan ay nakasalalay sa pagkakaroon ng
maaasahang suplay ng kuryente,” sabi ni Gatchalian. Binanggit niya na ang bilang ng mga
barangay na nasa ilalim ng kategoryang pula ay tumaas sa 361 mula sa 119. Kabilang sa mga
lugar na nasa ilalim ng red category ang mga may pinaghihinalaang insidenteng may kinalaman
sa halalan, mga banta sa seguridad na nanggagaling sa mga grupo ng terorista o partisan armed
groups, o mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng control ng Comelec.
Ayon pa kay Gatchalian, kailangang makipagtulungan ang energy department sa iba’t ibang
grupo sa sektor ng enerhiya, partikular na ang power generation, transmission, at distribution
utilities na may operasyon sa mga election hotspot areas upang matiyak ang sapat at maaasahang suplay ng kuryente.
“Ang matatag na suplay ng kuryente ay isang mahalagang bahagi sa pagpapanatili ng
kapayapaan at kaayusan at pagtiyak ng integridad ng proseso ng halalan sa mahigit 42,000
barangay sa bansa,” pagtatapos ng senador.