Call Center agent sa selda magtatawag

0

Kulungan ang bagsak ng isang  32-anyos na call center agent matapos pagbantaan ang mga pulis na nagresponde sa ginagawa niyang pagwawala at paghahamon ng away habang armado ng patalim sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nagsasagawa ng regular na pagpapatrulya ang kanyang mga tauhan kaugnay sa ipinaiiral na police visibility sa C-4 Road nang mapuna ang nagaganap na komosyon sa C-4 Park, Brgy. Longos bandang  6:45 kamakalawa ng gabi.

Kaagad pinuntahan ng mga pulis ng Sub-Station-5 at nasaksihan ang pagwawala ng isang binatang call center agent, residente ng Gil Pascual St. Brgy. Hulong Duhat habang nagsisisigaw at hinahamon ng away ang lahat ng mga taong namamasyal sa parke. 

Nilapitan ng mga unipormadong pulis ang suspek at pilit na pinapayapa subalit sa halip na sumuko, binantaan pa ang mga awtoridad ng “Wag kayong lalapit, mamalasin kayo!” habang iwinawasiwas ang hawak na patalim.

Ilang minuto ring pinakiusapan ng mga pulis ang call center agent hanggang makakita ng pagkakataon sina P/Cpl. Michael Allanic at Pat. Angelito Subrio na dambahin ang suspek at magawang  makuha ang hawak na patalim.

Ayon kay P/SSg. Jeric Tindugan, may hawak ng kaso, nahaharap sa kasong Alarm and Scandal at ilegal na pagdadala ng patalim ang isasampa laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.

About Author

Show comments

Exit mobile version