HINULI at ikinulong kahapon ang actor na si Ricardo Cepeda ng Quezon City Police District (QCPD)
Warrant Section dahil sa kasong syndicated estafa.
Ito ay dahil sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Executive Judge Gemma Bucayu-Madrid ng Sanchez Mira, Cagayan Regional Trial Court.
Dahil dito, si Cepeda, aka Richard Cepeda Go, 58, na nakatira sa Pasig City ay binitbit ng mga miyembro ng QCPD Warrant Section, base sa criminal case No. 4550-S(23).
Ayon sa report, ang pagdakip kay Cepeda ay bunsod ng kasong Syndicated Estafa sa ilalim ng Article 315, (2) (a) ng RPC kaugnay ng Presidential Decree No. 1689.
Sinabi pa ng pulisya na nakatanggap sila ng report na may pinuntahang “gig” si Cepeda sa Maypajo, Caloocan City.
Agad silang sumugod dito, bitbit ang warrang of arrest, sa pangunguna ng hepe nito na si
P/Capt. Joseph Valle, kasama si PMSg Norman Briones at anim pang mga pulis, at saka dinakip si
Cepeda matapos sabihin ang Miranda Rights sa harap niya.
Walang inirekomendang piyansa si Executive Judge Bucayu-Madrid sa aktor.