ISINUSULONG ngayon sa Kongreso ang pagpapasa ng dalawang panukalang batas na
naglalayung protektahan ang mga nagsosolong magulang at anak.
Sina House Deputy Majority Leader, ACT-CIS Partly-list Rep. Erwin Tulfo, at Senior Deputy
Minority Leader Paul Daza ang pangunahing awtor ng mga panukalang batas.
Sinabi nina Tulfo at Daza na patuloy silang gumagawa ng mga konsultasyon para mapahusay
ang House Bill (HB) No. 44, o ang Child Support Bill pati na ang HB No. 8987 o An Act
Punishing the Willful Failure to Pay Paternal Child Support o ang Anti-Balasubas Bill.
Inoobliga ng HB No. 8987 ang bawat ama at ina na magbigay nang sapat na suporta sa
kanilang mga anak, lehitimo man o hindi.
Nitong Biyernes, nagsagawa ang House ng public hearing sa dalawang panukalang batas. Ito
ay dinaluhan ng mga opisyal ng nasyonal at lokal na pamahalaan at stakeholders mula sa iba’t
ibang grupo, kasama ang Council for the Welfare of Children.
Sa ilalim ng HB No. 44, tutulungan ng gobyerno ang mga magulang para makahanap ng
trabaho at masuportahan nila sa pinansiyal ang kanilang mga anak.
“Dapat isipin ng mga magulang na obligasyon nila na maibigay ang pangangailangan ng
kanilang mga anak kahit pa wala ito sa kanilang kustodiya”, ayon kay Daza.
Kapag naisabatas ang HB No. 44, ipatutupad nito ang buwanang suporta ng magulang na
P6,000 sa mga anak na wala sa kanilang poder. Lilikhain din nito ang National Child Support
Program.
Samantala, ang HB No. 8987, ay magtatakda ng suportant pinansiyal na 10 percent mula sa
suweldo ng magulang, pero hindi bababa sa P6,000.
Ang isang magulang na hindi magbibigay ng pinansiyal na suporta ay mahaharap sa
pagkabilanggo nang 12 taon o multa mula sa P100,000 hanggang P300,000. O kaya’y
parehong pagkakakulong at multa, depende sa diskresyon ng Korte.