Arestado ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000 nang hulihin sa illegal na pagsusugal ng cara y cruz na kung saan shabu ang pustahan, kamakalawa sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal.
Kinilala ni PLtCol. Gaylor F Pagala, hepe ng Taytay Municipal Police Station ang mga naarestong suspek na sina Merilyn Datalio y Yap, alyas Len, 45-anyos at Victor Cruz y Talosig, 46-anyos, kapwa residente ng Taguig, City.
Ayon sa report, inaresto ang mga suspek bandang 6:40 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng C6 Road, Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal matapos magsagawa ng illegal gambling operation ang Taytay Police makaraang makatanggap ng tip na talamak ang sugalan na kung saan shabu ang pustahan.
Naaktuhan ang dalawang suspek na nagka-cara y cruz at agad na inaresto habang nakatakbo naman ang ilang miron na tumataya sa sugal.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong piraso ng one-peso coin na ginamit sa iligal na pagsusugal, tatlong pakete na naglalaman ng shabu na may bigat na humigit kumulang 35 gramo na nagkakahalaga ng P238,000.00, bet money na P 300.00 at coin purse
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Taytay Custodial Facility at sinampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 o Anti-Illegal Gambling Law at R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.