Patay ang isang lalaki habang tatlong iba pa ang sugatan, kabilang ang magkapatid na suspek sa naganap na pamamaril sa Valenzuela City, Huwebes ng gabi.
Agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan si Alinor Alizaman, 25, ng No. 6 Kabesang Purong, Brgy. Pinturin habang inoobserbahan naman sa Mary Mount Hospital sa Meycauayan, Bulacan si Joel Martin, 40, ng P. Faustino St., Brgy. Punturin na tinamaan ng ligaw na bala sa kanyang ari.
Bantay sarado naman ng pulisya habang ginagamot sa naturang pagamutan ang magkapatid na suspek na sina Algeb Abdul Ali, 23, at Rohan Abdul Ali, 24, kapwa factory worker at residente ng 92 P. Faustino St., Brgy. Punturin.
Sa ulat nina P/SSg Julius Congson, P/Cpl Renz Legaspi at P/Cpl. Rhod Roven Ramorez kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., hinabol ng magkapatid si Alizaman na matagal na nilang kaaway dakong alas-7:50 ng gabi nang makita ang biktima sa harap ng bahay ng kanilang kapitbahay.
Nang makorner, bumunot ng baril ang biktima at pinaputukan si Rohan na tinamaan sa bahagi ng kanang dibdib at bukong-bukong habang nasapol naman sa kaliwang braso at hita si Algeb.
Bagama’t sugatan, nagawang makipagbuno ng magkapatid sa biktima hanggang maagaw ni Algeb ang baril at sunod-sunod na pinaputukan sa ulo ang kaaway na kaagad nitong ikinamatay habang nahagip naman ng bala sa kanyang itlog si Martin nang lumabas ng bahay para mag-usyoso.
Matapos ang pamamaslang, tinangka pang tumakas ng magkapatid at itinapon ang naagaw na baril sa loob ng bahay ni Antonio Casimira sa 94 P. Faustino St. subalit nadakip na sila ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station-7 sa pangunguna ni P/Capt. Richard Borbon na nagresponde sa lugar.
Nakuha rin ng mga pulis ang kalibre .9mm na ginamit sa pamamaril habang siyam na basyo ng bala ng naturang baril ang nakalap ng mga tauhan ng Forensic Unit sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Sinabi ni Col. Destura na kasong homicide at frustrated homicide ang isasampa nila sa magkapatid sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.