KINILALA ni Pampanga 2D Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang hindi matatawarang
kontribusyon ng ating Overseas Filipino Workers (OFW) hindi lang sa kani-kanilang pamilya,
kundi maging sa ating ekonomiya, kaya sila tinawag na “modern heroes”.
Ito ang nilalaman ng House Bill No. 479 (HB 479) o OFW Hospital Act na naglalayong magtayo
ng isang ospital para sa OFWs sa San Fernando, Pampanga.
Sakop nang HB 479 hindi lamang OFW, kundi maging ang mga miyembro ng kanilang pamilya
sa serbisyong ibibigay ng OFW hospital.
Nilalayon din nito ang pagsasagawa nang scientific research para maiwasan, mapangalagaan,
at magamot ang mga karamdaman o aksidenteng may kinalaman sa trabaho ng OFW.
Kasama rin dito ang training ng mga doktor, nars, medical technologist, social worker, at iba
pang health workers para sa praktikal at makabagong paraan sa panggagamot ng mga
karamdamang may kaugnayan sa trabaho ng OFW.
Sinabi ng isang OFW group na panahon na para magkaroon ng isang ospital na makatutulong
na magbigay ng serbisyong medikal, hindi lamang sa OFW at dating OFW, kundi maging sa
kanilang pamilya.
Balak na gawing chair ng board ng ospital ang secretary ng Department of Migrant Workers at
co-chair ang secretary ng Department of Health.