NILAGDAAN kahapon ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang tatlong ordinansa na naglalayong
tulungan ang mga maliit na magbibigas sa lungsod.
Una, ang Ordinance No. 68, na ginagawang libre ang upa ng mga magbibigas sa lahat ng
pampublikong palengke sa lungsod simula Setyembre hanggang Oktubre.
Ayon kay Teodoro, “Inulit natin ‘yung ginawa natin noong nakaraang pandemya (na) kung saan
‘yung maliit na nagtitinda ng bigas sa Marikina Public Market ay hindi na muna natin sila
pagbabayarin ng renta sa susunod na dalawang buwan hangang maging stable na ang supply ng
bigas at ang presyo ay manumbalik sa dati.”
Ikalawa, ang Ordinance No. 69, na nagbibigay ng tax relief o exemption sa pagbabayad ng
business tax para sa ikatlo at ikaapat na kwarter ng taon, o habang pinaiiral ang price ceiling sa
bigas. Hindi sakop ng ordinansang ito ang supermarkets at convenience stores (SCS) na
nagbebenta ng bigas.
Ikatlo, ang Ordinance No. 70, na nagbibigay ng P5,000 cash aid sa lahat ng manininda ng bigas sa lahat ng palengke, sari-sari stores, at mga lugar na may mabibiling bigas sa buong lungsod. Hindi rin nito sakop ang SCS.
“Batid ko po na hindi po sapat ito, ngunit kahit paano, sana po ay makatulong at mapagaan po ang ating pagnenegosyo. Napakahirap po ng buhay, gusto ko po (na) manatili kayong nasa negosyo,” pagtatapos ni Teodoro.