INIANUNSYO ni dating Labor Secretary at MECO Chair Silvestre Bello III na kailangang ng Taiwan
ang 20,000 bagong guro.
Sa interview ni Alvin Alchico ng ABS-CBN kahapon, sinabi ni Bello na bukod sa mga guro,
kailangang din sa Taiwan ang 800,000 construction workers, caregivers, at iba pang skilled workers simula sa susunod na taon.
Aabot daw sa P150,000 ang buwanang sweldo ng licensed teacher, samantalang mahigit P36,000
ang sa caregiver.
Ayon kay Elchico, mas marami raw Indonesian caregivers sa Taiwan dahil mas malaki ang
komisyon na tinatanggap ng recruitment agencies, na umaabot sa walong buwang sweldo,
samantalang, ayon sa batas, isang buwang sweldo lang ang pwedeng kaltasin sa ating OFWs.
Ipinaliwanag naman ni Bello, na walang magagawa ang recruitment agency kung hihilingin ng
kliyente na Pilipino ang gusto nitong caregiver. Idinagdag pa niya na hindi naman problema ang
wika dahil bago i-deploy, tuturuan muna ang mga manggagawang Pilipino ng Mandarin para
magkaintindihan sila ng employer.
Sa kabila ng malaking alok na sweldo sa Taiwan, marami pa rin sa mga manggagawang Pilipino
ang nag-aatubili na magtrabaho rito dahil sa banta ng digmaan. Hindi na mabilang ang ulit nang
pambu-bully ng China, pati na military exercises ng navy at air force nito sa karagatan at
himpapawid na sakop ng exclusive economic zone ng Taiwan.
Ayon sa isang analyst, hanggang porma lang ang China dahil wala silang kakayahang lusubin ang
Taiwan dahil haharapin sila ng mas malakas na pwersang militar ng US at Japan. Bukod sa US
bases sa Okinawa at Pyeongtaek City sa South Korea, nagtatayo rin ang US ng base-militar sa
pinaka-timog na isla ng Japan, malapit sa Taiwan, pati na rin sa apat na EDCA sites sa Pilipinas.