LUBOS na nagpasalamat si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte kay Pangulong
Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal ng kanyang administrasyon, na tumulong para harapin
ang mga pag-atake sa 2022 Office of the Vice President Confidential Fund (OVP-CF).
Pinasalamatan din niya si Executive Secretary Lucas Bersamin, na nagbigay nang detalyadong
presentasyon tungkol sa OVP-CF at idetalye kung paano ito hiniling, naaprobahan, at ginastos
nang walang anumang nilalabag na batas – kabaliktaran sa mga pagbatikos ng maraming kritiko.
Sumunod na pinasalamatan si Defense Secretary Gilbert Teodoro na nanindigan sa paglikha ng
Vice Presidential Security and Protection group, at sumaway sa mga indibidwal at grupo na
nagkikimkim ng poot laban sa institusyon na inatasan para tiyakin ang kapayapaan at seguridad.
Nagpasalamat din si Duterte kay Rep. Stella Quimbo, 2D, Marikina dahil sa buong-tapang at
makatwirang hinarap ang mga indibidwal na nasanay na sa paglikha nang mga isyung pawang
kasinungalingan.
Lubos daw na pinahahalagahan ni Inday Sara ang mga pagsisikap na ito dahil nakatutulong ito na
pasinungalingan ang mga isyu na inihayag ni Rep. France Castro at ang Makabayan bloc sa
Kongreso tungkol sa naturang isyu.
Naniniwala raw siya na ang mga kasinungalingan na ipinangangalandakan ng grupo ay
mawawalan nang saysay. Sa kabila nang mga paninirang ito, mapananatili ang patuloy na suporta
ng taongbayan sa OVP at DepEd, upang matupad ang kanilang mithiin para sa mga Filipino at sa
bayan.