Nasakote ng Pasay City Police station ang dalawang suspek sa pamamaril matapos mahuli sa isinagawang follow up operation at maaktuhang nagpa-pot session, Lunes ng umaga sa Sitio San Juan Street, Barangay 190, Zone 20, Pasay City.
Kinilala ni PBGen. Roderick Mariano, district director ng Southern Police District (SPD) ang dalawang suspek na sina Romel Napoles, 42-anyos at John Paul Napoles, 32-anyos habang sugatan naman sa pamamaril ang biktima na nakilala sa alyas na Mae, 24-anyos, live in partner ni John Paul, na naganap bandang 2:30 Lunes ng madaling araw.
Inaresto ang dalawang suspek isinagawang follow-up operation ng pinagsanib na puwersa ng Pasay City Police Station, Substation 5, Investigation and Detection Management Section (IDMS), at Intel Section, dahil sa pamamaril kay Mae at nang magpunta ang mga otoridad sa Sitio San Juan Street, Barangay 190, Zone 20, Pasay City, bandang 11:30 ng umaga ay nahuli naman ang dalawang suspek sa aktong pot session
Ayon sa ina ng biktima na si Maricel Abueme, nag-away ang kanyang anak at live in partner na si John Paul Napoles, sa hindi malamang dahilan at nagulat siya na nauwi sa pamamaril ang nangyari sa kanyang anak.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang shabu na may timbang na 0.76 gramo na nagkakahalaga ng ₱5,168.00 at drug paraphernalia na lighter, foil strip, aluminum foil rolled bilang tooter.
Nabatid na kinilala ng isang saksi na si Romel Napoles ang bumaril sa biktima.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa Pasay detention cell.