HUWAG nang hintaying mag-viral muna sa social media ang mga paglabag sa batas bago sila
kumilos.
Ito ang payo ni Senador Alan Peter Cayetano, matapos niyang himukin ang pulisya at mga
ahensya ng gobyerno na agad kumilos laban sa road rage at iba pang paglabag sa batas sa
kalsada at pampublikong lugar.
Ipinahayag ito ni Cayetano sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and
Dangerous Drugs nitong Martes, hinggil sa pananakit at pagkakasa ng baril ng isang dating
pulis sa isang siklista, na nakunan ng camera at kinalauna’y nag-viral.
“Integrity is doing the right thing when no one is looking. It’s unfortunate that in the Philippines,
nangangailangan pa ng crisis bago tayo magkagulo lahat to find a solution,” ani Cayetano.
Dagdag pa niya, palaging may mga pribadong indibidwal at mga non-government organization
na lulutang para manawagan na mag-imbestiga. Dahil dito, pinaalalahanan niya ang kapulisan
at mga ahensya ng gobyerno na kusang hanapin ang bawat problemang kailangan nilang
solusyunan.
“Sana po kapag nangyari ‘to ulit, wala man huhudyat, no one will have to tell you. Automatically
mapapanood namin sa TV [at] sa news na ang LTO sinasabi, ‘Iimbestigahan namin y’ung
lisensya nito. Bakit siya pumasok sa biking lane, bakit siya lumabas ng kotse sa gitna (ng
kalye)”, pagdiriin ni Cayetano.
Samantala, pinasalamatan ni Cayetano si Senador Ronald Dela Rosa, chair, Public Order and
Dangerous Drugs Committee ng Senado, sa pagsasagawa ng pagdinig at si Senador Jinggoy
Estrada na nag-udyok nito.
“It is my hope, my prayer na y’ung personal integrity natin, institutional integrity natin, integrity ng mga batas (ay maging matatag at matibay),” aniya pa.