Tatlong big-time drug traffickers ang nalambat ng pinagsanib na puwersa ng Rizal Police at makuhanan ng aabot sa mahigit P500,000 halaga ng shabu sa magkakahiwalay na buy-bust operations sa Binangonan at San Mateo, Rizal province, Sabado ng madaling araw.
Unang nalambat sa ikinasang buy bust operation ng San Mateo anti-narcotics operatives sina Edmar Ramos at Jhemel Manlapaz, kapwa residente ng Barangay Silangan, San Mateo, Rizal.
Bandang 1:37 Sabado ng madaling araw nang makipagtransaksyon ang isang pulis na umaktong buyer sa suspek at nagkasundo na magkita at doon na nakumpiska ang aabot sa 17.77 gramo ng shabu na nasa P120,836 ang halaga.
Samantala, inaresto ng Binangonan Police drug enforcement unit ang isang big time tulak na si Windelyn Lizares na listed bilang high-value individual sa local drug trade.
Bandang 3:15 ng madaling araw inaresto si Lizares matapos magbenta ng isang pack ng shabu sa isang undercover cop sa isinagawang buy bust operation sa Barangay Pagasa.
Nakumpiska mula sa suspek ang 16 plastic sachets na naglalaman ng shabu na may timbang na 55.8 gramo at nagkakahalaga ng P379,440.Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.