MARIING tumutol si Senador Francis Tolentino na ibasura ang Republic Act 10931 o
ang batas na nagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo.
Sa isang TV interview sa programang Headstart, sinabi ni Tolentino na ang libreng
edukasyon ay isang “basic human right” na dapat tamasahin ng bawat kabataang
Pilipino.
Ito ay matapos sabihin ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi kayang panatilihin
ng gobyerno ang pag-popondo sa libreng edukasyon.
Pero mariing sinabi ni Tolentino na ang libreng edukasyon ay obligasyon ng ating
gobyerno dahil ito’y nakasaad sa ating Konstitusyon.
Ayon sa datus ng Brabo News, kung sakaling maibasura o mai-repeal ang batas,
mahigit 1.5 milyong estudyante sa 112 state colleges and universities sa bansa ang
maaapektuhan.
Iginiit ni Tolentino na ang libreng edukasyon ay isang karapatang pantao para sa bawat
kabataang Pilipino; ang kakulangan ng pondo ng gobyerno ay hindi sapat na dahilan
para maihinto ito.
Ayon sa isang iskolar na bayan, kung ibabasura ang R.A. 10931, tiyak na mawawasak
ang mga mumunting pangarap, lalong darami ang mga maghihirap at drug addict, at “in
the long term” maaaring magkawindang-windang ang ating ekonomiya dahil sa
kakulangan ng teknikal at propesyonal na manggagawa.