Nasakote ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang isang delivery rider na kabilang sa “Most Wanted Person” dahil sa kasong murder na kung saan ay mahigit isang taong nagtago at nadakip rin sa isinagawang manhunt operation sa Caloocan City.
Kinilala ni NPD District Special Operation Unit (DSOU) chief P/Lt. Col. Robert Sales ang naarestong akusado na si Elvin Rodriguez, 23-anyos, residente ng 281 BMBA Compound, 4th Avenue, Brgy. 118 ng lungsod.
Sa ulat ni Lt. Col. Sales kay NPD District Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagsagawa ng palihim na paniniktik sa naturang lugar ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Lt Armando Pandeagua, Jr. nang makatanggap sila ng impormasyon na nagbalik sa naturang lugar si Rodriguez matapos ang halos isang taong pagtatago.
Kaagad nagsagawa ang mga tauhan ng DSOU ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Rodriguez sa kanyang tinutuluyang bahay dakong alas-5:30 ng hapon.
Si Rodriguez ay wanted sa kasong murder at may nakabinbing warrant of arrest na inilabas laban sa kanya si Presiding Judge Rodolfo P. Azucena, Jr. ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 125 noong Oktubre 21, 2022.
Binigyang papuri naman ni BGen. Gapas ang mga tauhan ng DSOU sa kanilang pagsisikap para tugisin ang mga wanted na kriminal na nasa talaan ng mga taong pinaghahanap ng batas.
Pansamantalang nakapiit sa NPD-DSOU Custodial Facility Unit si Rodriguez habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail.