MUKHANG hindi pa magkakaroon ngayon ng medical school ang Bulacan State University (BSU), dahil pasang-awa pa lang ito sa requirements.
Ayon kay Commission on Higher Education (CHEd) Chair Prospero de Vera III, ang BSU ay walang naaprubahang Doctor of Medicine Program.
Ginawa ni De Vera ang paglilinaw matapos na lumabas sa ibang pahayagan na ang BSU ay nagsimula nang tumanggap ng aplikasyon para sa kursong doctor of medicine, at 50 ang bilang ng unang batch.
Sa isinagawang ocular inspection ng CHEd noong Hunyo 19, may napansin daw na ilang pagkukulang ang BSU.
Binigyan ang pamantasan ng anim na linggo para ayusin ang naiulat na deficiencies, pero humingi pa ito ng extension na pinagbigyan naman.
Sinabi ni De Vera na pwede lang mag-enrol ang mga estudyante sa BSU matapos ang evaluation ng mga pasilidad, faculty, curriculum, at training hospital.
Kung makapapasa ang BSU, pormal na iaanunsyo ng komisyon, en banc, na pwede itong tumanggap ng mga estudyante na nagnanais maging doktor.