IDINIIN kahapon ni Speaker Martin Romualdez ang kanyang commitment para ibangon ang
ilang kritikal na isyu tungkol sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa ASEAN Inter-
Parliamentary Assembly (AIPA) na gaganapin ngayong araw.
Sa kanyang speech sa Filipino community sa Jakarta, Indonesia, sinabi ni Romualdez na ilan sa
mga pangunahing isyu na nais niyang matugunan ay ang kapakanan at proteksyon ng ating
OFWs.
Nais din niyang pag-usapan nilang mga mambabatas mula sa ASEAN at BIMP-EAGA ang
tungkol sa kapakanan pati na mga hamong hinaharap ng ating OFWs sa bansang ito.
“Kasama po rito ang mga batas na kailangang ipasa naming lahat para mapalakas ang ating
ekonomiya. Gusto rin nating makatulong ang mga batas na ipapasa para maging masigla ang
pagne-negosyo at makapagbigay tayo ng mas maraming trabaho sa ating bansa,” dagdag pa
niya.
Pinapurihan ni Romualdez ang Filipino community sa Indonesia, dahil hinahangaan sila sa
bansang ito bilang mahuhusay na guro, inhenyero, abogado, accountants, executives ng
kumpanya at imbestors.
Nangako si Romualdez na susuportahan niya ang ating OFWs sa pamamagitan nang paglikha
ng mga bagong oportunidad sa pangkabuhayan pati na pamumuhunan, na makahihikayat ng
maraming imbestor sa bansa.