MASS resignations?
Malabong mangyari ito, dahil kahit na 29 percent sa mga manggagawang Pilipino ay ayaw na
sa kanilang trabaho, hindi naman sila magre-resign nang sabay-sabay, pero patuloy silang
naghahanap ng ibang trabaho na may mas mataas na sweldo,
Ayon sa survey ng PwC Hopes (PwCH) at Fears Global Workforce noong Huwebes,
lumalabas na sa loob ng susunod na 12 buwan, inaasahang mas mataas ang bilang ng mga
Pilipinong maghahanap ng kapalit na trabaho. Mas mataas pa ito kaysa 26 percent na
average sa buong mundo, pero medyo mababa sa 30 percent sa buong rehiyon.
Ang maliit na sweldo ang pangunahing dahilan nang paghahanap ng bagong trabaho. Ayon
sa sektor ng paggawa, ang P610 na minimum wage sa Metro Manila ay kulang dahil sa
patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Veronica Bartolome, managing principal ng PwCH, ang mga kawaning Pilipino ay
hindi mapakali at sabik na humingi ng umento. Ito rin ang sentyemento ng mga manggagawa
sa buong mundo.
Masyadong apektado ang sektor ng kalusugan sa bansa dahil parami nang parami sa ating
mga nars ang nagre-resign para magtrabaho sa abroad.
Sa datus na kinalap ng Brabo News ang buwanang sweldo ng isang bagong registered nurse
ay P15,000 – P20,000 sa maliit na private hospital, samantalang sa gobyerno ay mahigit
P36,000. Higit na mababa ito kaysa buwanang sweldo ng mga bagong nurse sa Amerika at
Europa na inaalok ng katumbas ng P200,000 pataas at may iba pang benepisyo.
Ayon sa Department of Health, kung hindi mapipigilan ang brain drain ng nurses, tinatayang sa
loob ng tatlo hanggang limang taon ay mauubos na ang mga nars sa bansa.