HINILING ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang suporta ng ride-hailing
companies (gaya ng Grab, Lalamove, Angkas, atbp.), at mga gasolinahan para sa proyekto sa
motorcycle riders.
Plano ng MMDA na maglagay ng tents sa mga gasolinahan na magsisilbing silungan ng motorcycle
riders kapag umuulan.
Sa isang pagpupulong kahapon, hiniling ni Acting MMDA Chair Don Artes ang ride-hailing
companies na disiplinahin ang kanilang miyembro na lumalabag sa batas-trapiko, lalo na kapag
malakas ang ulan.
Ayon kay Artes ang riders na sumisilong sa ilalim ng flyovers kapag maulan ay nagsasa-panganib
ng kanilang buhay pati na sa ibang motorista.
Bilang pagtugon, ang mga kinatawan ng Grab, Angkas, Joyride, Totok, Transportify, Maxim Riders
Food Delivery at Move it, na nasa meeting ay nagsabi na paaalalahanan nila ang kani-kanilang
riders.
Ipinaalala ni Artes na simula sa Agosto 1, magsisimula na silang mag-ticket sa riders na sumisilong sa flyovers at underpasses kapag maulan. Pagmumultahin ng P500 ang mga lalabag.
Samantala, humiling ang operators ng gasoline stations sa MMDA na mag-submit ng proposal at
guidelines sa planong paglalagay ng tent sa kanilang establisyemento.