SINERMONAN ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang lumikha ng Love the
Philippines, ang pinakabagong promotional video ng Department of Tourism (DOT) nang
napag-alaman na gumamit ng “stock footage” ang kumpanyang gumawa nito.
Nauna pa rito, inireklamo na ni Salceda ang hindi pagsama sa video ng Bulkang Mayon
na isa sa mga hinahangaang pasyalan ng turista sa mundo.
Ayon pa kay Salceda, ang gulong nilikha ng contractor dahil sa paggamit ng stock footage
sa promotional video ay kumukumpirma sa nauna niyang pahayag na ito’y trabaho ng
tamad. Dapat daw ay tinanggal na ng DOT ang consultant na siyang responsible dito.
Salceda nag-react sa mapanuyang sulat ni Rep. Lagman
Rumesbak si Salceda laban sa kapwa mambabatas na Albay 1st District Rep. Edcel
Lagman, dahil sa pagre–react sa sulat niya kay Tourism Secretary Christina Frasco,
sinabi ni Lagman na ang sulat ay para lamang maging laman ng balita si Salceda.
Idiniin ni Salceda na ano ang mali kung nais na mailagay sa promotional video ang Mount
Mayon? Aniya pa, hindi natin dapat kunsintihin ang plagiarism o pagkopya ng likha ng iba.
Video clips na kuha sa ibang bansa, ginamit sa DOT video
Ayon sa blogger na si Sass Rogando Sasot, guilty nang pamemeke at misrepresentation
ang DDB Philippines (DDBP), ang ad agency na lumikha ng video. Hindi raw sa
Pilipinas kinunan ang videos, ito’y stock footage na kuha sa Thailand, Indonesia, United
Arab Emirates. Lahat nito ay pwedeng ma-download mula sa Storyblocks, isang video
creation platform.
Nag-sorry na ang DDBP sa DOT at sinabing ito ay “isolated case” lamang.
Samantala, sa isang TV interview noong Sabado, sinabi ni Atty. Harry Roque, dating
presidential spokesman na napahiya ang sambayanang Pilipino sa kapalpakan ng DDBP.
Dapat daw ma-ban ang DDBP sa pagkuha ng kontrata sa lahat ng opisina ng gobyerno
sa loob ng limang taon. Idiniin pa niya na kung may pananagutang kriminal ang
kompanya, dapat na kasuhan ito sa korte para magsilbing aral sa lahat ng kompanya na
gustong kumuha ng kontrata sa gobyerno.
Ayon sa ilang netizens, highway robbery daw ang P50 milyon na kontrata ng DDBP sa
DOT. Hndi sila naniniwala na ang kontrobersiyal na video ay libre, kayat hindi sapat ang
sorry, dapat ibalik ng kumpanya ang buong ibinayad sa kanila at agad na kanselahin ang
kontrata. Ito ay dahil sa mayroong pandaraya, misrepresentation, at paghahangad na
kumita nang malaki, kahit wala naman silang masyadong ginawang video shoot.