HINIMOK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na magtipid ng tubig at enerhiya o
kuryente habang patuloy na naghahanda ang bansa sa epekto ng El Niño.
Sa kanyang “Ang Init” vlog na inilabas noong Sabado ng gabi sinabi ng Pangulo na ang mainit na
klima sa bansa ang labis na nagpataas sa kunsumo ng kuryente na humihigit pa sa supply. Sinabi rin niya na dumalang ang mga pag-ulan at nabawasan ang bolyum ng tubig nito ng 35 percent, na naka-bawas sa water level ng dams at hydroelectric power plants, pati na tubig na gamit sa irigasyon.
“Ang DILG (Department of the Interior and Local Government) inatasan natin na paratingin sa mga LGU (local government units) ang kampanya natin sa pag-mitigate ng impact ng El Niño gaya ng pagtitipid ng tubig sa bahay, sa mga car wash, sa mga pagdidilig ng golf course at pagre-refill ng mga swimming pool,” saad ni Marcos.
“Ito ay inaasahang makakatulong sa pagpapanatili ng ating supply,” dagdag pa niya. “Lahat tayo ay may maitutulong, lahat tayo ay may magagawa,” aniya pa.
Ipinaliwanag ni Marcos na patuloy na gumagawa ng paraaan ang gobyerno para maibsan ang epekto ng sobrang init sa bansa gaya nang pagsasaayos ng operasyon ng power plants. Isa na rito ang extension ng lisensya ng Malampaya gas plant hanggang 2039.