IKINABABAHALA ng iba’t ibang advocacy group ang pinakahuling datus na inilabas kaugnay sa mga estudyanteng gumagamit ng vape o electronic cigarette sa bansa.
Batay sa 2019 Global Youth Tobacco Survey, gumagamit ng electronic cigarettes ang 14.1% ng mga estudyante, 20.9% ng mga batang lalaki, at 7.5% ng mga batang babae na may edad 13 hanggang 15 sa Pilipinas.
Lumalabas na 1 sa 7 mag-aaral o 1 sa bawat 5 batang lalaki at halos 1 sa bawat 10 batang babae ay gumagamit ng electronic cigarettes.
Kaya naman, nanawagan ang mga grupong Child Rights Network (CRN) at ang Parents Against Vape (PAV) sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na kumilos na laban sa nakababahalang vape epidemic sa mga kabataan.
Iginiit ng dalawang advocacy group sa mga ahensyang nangangasiwa ng edukasyon na aktibong gampanan ang tungkulin sa pagpapatupad ng Republic Act 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act at mag-isyu ng karagdagang guidelines bukod sa inilabas na administrative order ng Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay ng nasabing batas.
“Bagama’t naglabas na ang DTI ng administrative order upang ipatupad ang batas, malakas ang paniniwala namin na napakahalaga ng tungkulin ng mga ahensya ng edukasyon upang labanan ang laganap na paggamit ng vape ng mga kabataan,” ani CRN Convenor Romeo Dongeto.
“Nakababahala ang resulta ng naturang surbey. Huwag nating hayaang patuloy na abusuhin ng vape industry ang ating kabataan gamit ang kanilang marketing tactics. Kung hindi natin lalabanan ang panlilinlang ng vape industry, lalala pa ang nicotine addiction sa kabataan at patuloy na malalagay ang kanilang kalusugan sa panganib,” dagdag pa ni Dongeto.
Kasabay nito, inilahad din ng CRN at PAV ang ilang mga konkretong paraan na maaaring gawin ng DepEd at CHED upang matiyak na maipatutupad ang RA 11900. Ito ang mga sumusunod:
Palakasin ng Child Protection Unit at Child Rights in Education Desk ng DepEd ang adbokasiya laban sa pagkalat ng vape at e-cigarettes sa kabataan.
Maglabas at magpatupad ng guidelines upang masiguro na naipagbabawal ang pagbebenta ng vapes at e-cigarettes sa loob ng 200 metro na radius ng mga paaralan.
Mahigpit na ipatupad ang Rule VIII ng Department Administrative Order (DAO) No. 22-16 o ng implementing rules and regulations (IRR) ng RA 11900, na nagbabawal sa paggamit ng vape products sa mga lugar na malapit o nasa loob ng “centers of youth activity” gaya ng playschools, preparatory schools, elementary schools, high schools, colleges and universities, youth hostels, at recreational facilities para sa mga bata.
Nanawagan din ang CRN at PAV sa DTI na mahigpit na ipatupad ang RA 11900.
“Malaki ang papel ng DTI upang protektahan ang kalusugan ng ating mga kabataan. Bilang pangunahing ahensya na nagpapatupad ng RA 11900, binibigyang-diin ng batas ang kapangyarihan at responsibilidad ng DTI upang masiguro ang proteksyon ng kabataan laban sa marketing tactics ng tobacco at vape industry,” ani Imedla Esposado-Gocotano, PAV President.
Kabilang rito ang pagbabawal sa youthful marketing strategies ng vape industry at ang paglimita sa flavor ng vapes at e-cigarettes sa conventional tobacco at menthol.
“Mahalagang ipagpatuloy ng DTI ang pag-monitor sa pagbebenta ng e-cigarettes at heated tobacco products (HTPs) na lumalabag sa mga restriksyon sa flavor descriptors at marketing strategies. Umaasa kaming magpapatuloy ito sa mga darating na taon,” dagdag ni Ms. Gocotano.
“Mahaba pa ang adbokasiya laban sa paglaganap ng e-cigarettes at HTPs sa kabataan.
Nananawagan kami sa mga magulang at child rights advocates na tulungan ang pamahalaan upang matiyak ang child-centered implementation ng RA 11900,” pagtatapos ni Dongeto.