ISANG tripartite agreement ang pinirmahan nina Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro at mga kinatawan ng private at labor sectors na idinaos sa Marikina Hotel kahapon.
Lumagda ang mga nabanggit sa isang memorandum of agreement (MOA) sa layuning makagawa ng polisiya para sa mga Marikeñong manggagawa na pangunahing makikinabang rito.
Binigayang-diin ni Mayor Marcy na napakahalaga ng kooperasyon at mabuting ugnayan sa pagitan ng local government unit (LGU) at iba’t ibang sektor upang magkaroon ng magkasuwatong ugnayan sa lungsod.
Kilala ang lungsod ng Marikina sa taguring ‘Land of Happy Laborers’ o “Bayan ng Masasayang Manggagawa.’
“Tulong-tulong talaga. It’s on that level. Hindi sa papel lang. What is more important is the relationship. Talagang bayan tayo ng mga manggagawa. Iyon naman ang gusto nating mangyari. Hindi naman natin kinakalimutan iyon na dapat bayan tayo ng mga masasayang manggagawa,” ang pahayag ni Teodoro.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, bubuo ang lahat ng partido ng isang “tripartite forum for advisement and consultation sa mga bagay may kaugnayan sa paggawa, partikular na para sa pagbuo at implementasyon ng mga labor policies lalo na upang mapabilis ang pagresolba sa mga labor dispute.
“Huwag natin bitawan ‘yong pag-uusap natin, ‘tsaka ‘yong relasyon,” dagdag pa ng alkalde, na siya ring chairman ng Marikina City Tripartite Industrial Peace Council.
“Pangalagaan po natin ‘yong trabaho po. Napakahirap mawalan ng trabaho, pamilya po ang apektado—maliit na bata, asawang hindi malaman kung saan kukuha ng pansaing, kailangan pong maintindihan natin iyong gano’n ho. We’re not talking of policies here, kung ‘di lives of people,” ayon pa sa punong lungsod.
Tiniyak naman ni Atty. Sarah Buena Mirasol, ang Regional Director ng Department of Labor and Employment (DOLE) National Capital Region (NCR), ang suporta at commitment ng kanilang ahensiya sa mga programa ng Marikina LGU para sa mga manggagawa.
“We at DOLE-National Capital Region assure every one of our unwavering commitment and assistance towards the realization of Marikina’s programs and services to help uplift the social and economic state of their constituents,” ang pahayag ni Mirasol.
Kasama sa nasabing seremonya sina Noel Flores, presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (Marikina Chapter); Ceferino Bata, Jr., presidente ng Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry (Marikina Chapter); at Vice Mayor Antonio Andres na presidente ng Philippine Footwear Federation Incorporated.
Sa kabilang banda, ang labor sector naman ay pinangunahan ni Reynaldo Almendras, president ng Workers Alliance sa Marikina.