NASUNGKIT ng lokal na pamahalaan ng Marikina City ang 2022 Good Financial Housekeeping Award ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa kanilang mahigpit na pagtalima sa financial transparency at fiscal accountability.
Iginawad ng DILG-National Capital Region (NCR) kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang nasabing parangal kahapon, na may Mark of Recognition para sa pagpasa nito sa 2022 Good Financial Housekeeping (GFH) assessment.
Sa iba namang kategorya, nakatanggap rin ang Marikina LGU ng ₱100,000 tseke para naman sa nakuha nitong ikatlong puwesto dahil sa mahusay na pagpapatupad ng Manila Bay Clean-up, Rehabilitation and Preservation Program (MBCRPP). Sa kabuuan, 17 lokal na pamahalaan ang bumubuo sa Metro Manila na naglaban-laban.
“[Ang] pagkilala sa ating pamahalaang lungsod ay nagpapatunay na [tayo] ay nagbibigay ng pagtalima sa ating transparency at good financial housekeeping. So ibig sabihin po nito, tayo ay maayos sa ating pamamahala sa ating resources,” ang pahayag ni Mayor Teodoro.
“Ang DILG ay ginagawad itong ₱100,000 bilang suporta sa Marikina sa kanilang mga programa upang lalong panatilihin ang kaayusan at kalinisan ng siyudad,” ayon naman kay DILG-Marikina Director Mary Jane Nacario.
“Batay sa project proposal na isinubmit po sa amin, ito ay gagamitin sa programang Tagalinis On Wheels at Munting Basura Ibulsa Muna,” dagdag pa ni Nacario.
Kasabay ng nasabing parangal ay ang pagdiriwang ng ika-393 Founding Anniversary ng lungsod na pinangunahan nina Mayor Marcy at maybahay nitong si First District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro, Vice Mayor Marion Andres at mga city councilors gayundin ang iba’t ibang departamento ng city hall at mga kawani nito.
“Sa ngayon ay ipinagdiriwang natin ang ika-393 pagkakataon buhat nang natatag ang ating lungsod. Marami na tayong pinagdaanan, at kung ating makikita ang Marikina ay isa sa pinakamatandang lugar sa Pilipinas, halos kasing tanda ito ng Lungsod ng Maynila,” ani Teodoro.
Ayon pa kay Teodoro, “Ang Marikina dati ay isang malaking hacienda, pinaka-malaking hacienda sa buong Pilipinas na pag-aari ng isang pribado, kasunod na ‘yung mga hacienda ng religious orders na dati ay may pinakamalalaking taniman.”
“Napakalaki at napakatagal na ng kasaysayan ng ating lungsod at marami na tayong ginampanan sa kasaysayan. At ngayon nga ay pinagdiriwang natin ito, ang pagkakatatag ng ating lungsod,” dagdag pa ng alkalde.
Tuwing ika-16 ng Abril, ipinagdiriwang ng mga Marikenyo ang Marikina Memorial Day bilang paggunita sa pagkakatatag ng lungsod noong 1630 sa bisa ng Proclamation No. 1417.
“Ang pakiusap ko sana sa lahat ay tumingin tayo sa paligid natin at ang kasaysayan ay makikita natin, at sa pagtingin na iyon ay maalala natin kung saan tayo nanggaling; at sa pag-alala na ‘yon ay mapahalagahan natin ang kasalukuyan, at mapangalagaan natin ‘yung ating patutunguhan,” pagtatapos ni Mayor Marcy.