72 katao nalunod sa loob ng mahabang bakasyon

MALUNGKOT NA SEMANA SANTA

0
Idinagdag pa ni Alejandro na ang nasabing 5 na nalunod ay dahil sa malakas na alon noong Sabado, Abril 8 sa Barangay Dolo, sa bayan ng San Jose sa Camarines Sur at 3 aniya sa mga biktima ay menor-de-edad. (Photo: MDRRMO FB Page ng San Jose)

BATAY sa huling tala ng Philippine National Police (PNP), umabot sa 72 katao ang nalunod ngayong buwan nang magsimulang tumungo ang mga bakasyunista sa iba’t ibang lugar sa bansa upang maligo bunga ng mainit na panahon.

Ayon sa tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si Colonel Jean Fajardo, bunsod ito di-umano sa biglang dagsaan ng mga tao matapos ang alisin ang mga restriksyon dahil sa pandemya.

Bahagi ng tradisyong Pilipino ang pagtungo sa mga swimming pool o mga beaches sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa tuwing sasapit ang mga buwan ng Marso at Abril o panahon ng Kuwaresma lalo na sa linggo ng Semana Santa.

Kabilang aniya sa mga biktima ay mga bata na hindi nababantayan ng mga magulang o nag-aalaga ganun din yaong mga nakainom ng alak o lasing pa nga.

Ngunit batay naman sa inilabas na datus ng Office of Civil Defense (OCD), kinukumpirma pa nila ang ulat na mayroon lamang 50 katao ang nalunod ngayong Semana Santa.

Sinabi ni Assistant Secretary Raffy Alejandro na 5 ulat aniya ang kumpirmado na natanggap nila ngayong araw ng Lunes bilang karagdagan sa mga naunang naiulat sa kanila.

“Ang natanggap namin na ulat ay umabot sa 50 ang naiulat na nalunod ngunit inaalam pa namin ang iba pang ulat. Ang kumpirmado lamang na maiuulat namin sa inyo ay ang limang biktima sa Camarines Sur,” ang pahayg ni Alejandro.

Idinagdag pa ni Alejandro na ang nasabing 5 na nalunod ay dahil sa malakas na alon noong Sabado, Abril 8 sa Barangay Dolo, sa bayan ng San Jose sa Camarines Sur at 3 aniya sa mga biktima ay menor-de-edad.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-5 (Bicol), kinilala ni Police Lt. Col. Malu Calubaquib, ang mga biktima na sina Rizza, 17; Jhona, 17; Rhea, 18, na pawang mga residente ng Goa sa nasabing lalawigan; at sina Rafael Pino, 18, at Regine Pino, 16, mula sa Naga City.

Si Ashley Rose, 16, na residente ng bayan ng Goa, sabi pa ni Calubaquib, ay nawawala pa rin habang isinusulat ang balitang ito samantalang nakaligtas naman si Jean Rose, 12-taong gulang.

About Author

Show comments

Exit mobile version