Housing project ni BBM sa Taytay ikinasa na ng DHSUD, Mayor Allan

0
581
Nilagdaan na nina Taytay Mayor Allan De Leon at Secretary Jose “Jerry” Acuzar ng DHSUD ang Memorandum of Understanding (MOU) na naglalayong mapagkalooban ng murang pabahay ang mga Taytayeño.

IKINASA na ng mga opisyales ng Pamahalaang Bayan ng Tatay, at ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang isang kasunduan kaugnay sa housing project sa ilalim ng progma ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Nilagdaan na nina Taytay Mayor Allan De Leon at Secretary Jose “Jerry” Acuzar ng DHSUD ang Memorandum of Understanding (MOU) na naglalayong mapagkalooban ng murang pabahay ang mga Taytayeño.

Isinagawa ang nasabing kasunduan sa isang simpleng seremonya sa mismong punong tanggapan ng DHSUD sa Quezon City kung saan kasama ni Mayor Allan sina Konsehala Elaine “Boknay” Leonardo, Konsehal JV Cabitac at iba pang kinatawan ng pamahalaang bayan.

Batay sa naturang MOU, ang DHSUD ay magtatayo ng housing project sa bayan ng Taytay sa ilalim ng programang Pambansang Pabahay sa Pamilyang Pilipino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Maglalaan naman ang lokal na pamahalaan ng Taytay ng lupa na pagtatayuan ng high-rise socialized housing project kung saan inaasahan na ang unang makikinabang sa proyektong ito ay ang mga mahihirap na residente ng Taytay.

Sa panayam ng BraboNews kay Konsehala Leonardo, sinabi nito na bagama’t nais sana ng DHSUD na 12 palapag ang bawat gusali, nagkasundo ang dalawang panig na 7 palapag ang itatayo sa Sports Complex area sa Brgy. Muzon.

Itatayo ang nasabing 11-building housing project na may kabuuang 2,500 units kung saan target dito ang mga kawani ng lokal na pamahalaan,

BASAHIN  Lalaking kabilang sa most wanted persons ng Calabarzon, naaresto ng Rizal PNP

“Actually, unang-una na target natin na maging beneficiaries ay ‘yong matatagal na sa gobyerno na mga hindi maka-avail ng mga sarili nilang bahay. So ito pong pabahay na ‘to ay gusto talaga ni Mayor at PBBM na yong mga pulis natin, teachers, even mga Job Order (JO), na kailangan lang nila na mag-miyembro ng Pag-ibig,” ang pahayag ni Konsehala Leonardo, ang chairperson ng Committee on Housing.

“Kaya ngayon po sa munisipyo every Saturday ay ongoing ang orientation seminar sa Pag-ibig membership para pasok sila doon sa pabahay program natin,” dagdag pa ng Konsehala.

Sinabi pa ng Konsehala ng kung kakayanin ay sa susunod na buwan na ito pasisinayaan, ngunit dahil sa mga papeles na kailangang ayusin, maaari rin umano na sa buwan na ng Mayo.

“Ito pong pabahay na ito ay open sa lahat ng Taytayeños, ngunit kailangan nilang sumunod sa rules and regulations na ipapatupad sa bawat community. At kapag may violation sila, maaga pa lang ay wa-warningan na sila at kapag [hindi sila sumunod at patuloy pa ring lalabag] ay maaaring ma-revoke ang kanilang prebilehiyo na maging benipisyaryo,” giit pa ni Leonardo.

Ayon pa kay Konsehala Boknay, 24 square meter ang magiging sukat ng bawat unit ng buong proyekto at may ilalagay na elevator.

“Sobrang nagpapasalamat po kami sa ating pangulong BBM dahil po dito sa programa na ito, dahil noon pa man ay pangarap na natin para sa Taytayeños na magkaroon ng disenteng pabahay at pangarap din ito ng ating Mayor Allan de Leon. Isa pa, hangad natin na ma-improve ang pamumuhay ng ating mga kababayan at lagi lamang po narito ang inyong Konsehala Boknay para sa lahat ng development at maitutulong natin, ay hindi tayo titigil,” pagtatapos ni Konsehala Leonardo.

BASAHIN  ₱56-M, sinolo ng lotto jackpot winner

Layon ng Pambansang Pabahay sa Pamilyang Pilipino housing project ni Pangulong Marcos na makapagtay ng 1 milyong pabahay sa loob ng isang taon o 6 na milyong pabahay sa buong bansa sa sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos sa 2028.

About Author