INIHAYAG kahapon ng bagong talagang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si PMGen. Edgar Alan Okubo na isang malaking pagbabago ang kaniyang ipapatupad pagdating sa tatao sa mga police substation sa Metro Manila.
Sa ginanap na ‘Greet and Meet’ ni Okubo sa mga miyembro ng media na nagko-cover sa NCR, sinabi nito na tatawaging “customer relations officers” ang mga female police officers na ito.
“Papalitan ng female police officers ang kasalukuyang mga male desk officers dahil sila ay may [mahabang] pasensiya sa pakikinig sa mga reklamo ng publiko, ang mga ‘customers’ natin,” ang pahayag ni Okubo.
Idinagdag pa ni Okubo na batay sa nakuha niyang impormasyon mula sa regional intelligence division, nakatanggap ng “bad” feedback ang NCRPO sa kasalukuyang kaayusan na lalaki ang tumatao sa front desk ng mga substation sa Metro Manila.
“May natatanggap tayong mga impormasyon na gumugugol ng mahabang oras ang mga nagrereklamong mga ‘customer’ kapag lalaki ang nasa front desk,” sabi pa ni Okubo sa mga reporter sa Hinirang Hall, Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Nang tinanong kung saan dadalhin ang mga lalaking pulis na kasalukuyang tumatao sa mga substation, sinabi ng hepe na ipapadala ang mga ito sa field assignments para sa karagdagang police visibility na programa ng PNP.
Ngunit binigyang-diin ni Okubo na magiging experimental muna itong gagawin niya sa 45 police stations sa 5 police districts: 16 sa Quezon City Police District (QCPD) at 14 sa Manila Police District (MPD), 7 sa Southern Police District (SPD) at tig-aapat naman sa Northern Police at Eastern Police District.
Ipinaliwanag naman PLt.Col. Luisito Andaya, Jr., ang bagong talagang tagapagsalita ng NCRPO na “ituturing natin na ‘customer relations officers’ ang mga babaeng pulis dahil mga kliyente naman ang turing sa mga kababayan natin.”
Ang nasabing “Meet and Greet” ay dinaluhan ng NCRPO Press Association na pinamumunuan ni President Lea Botones ng pahayagang Remate, at iba pang media personalities mula sa diyaryo, radyo, TV at mga mobile journalists.