5 vendors sa rambolan sa Barangay Kapasigan, sinampahan na ng kaso

0

TULUYAN nang sinampahan ng kaso ang limang lalaking vendors na sangkot sa nangyaring rambolan, kamakailan malapit sa Plaza Bonifacio sa Barangay Kapasigan.

Kinilala ni Police Colonel Celerino Sacro, Jr., Chief of Police ng Pasig City ang limang suspek na sina Alyas Den, 52 anyos, Alyas Nif, 18 anyos, Alyas Waf, 26 anyos, Alyas Wari, 22 anyos at Alyas Muiz, 25 taong gulang na lahat ay pawang mga residente ng Barangay Kapasigan.

Ayon pa sa inilabas na police report ng Pasig PNP, nag-ugat ang nasabing kaguluhan nang magsagawa ng clearing operations ang Action Line Division na pinangunahan ng Team Leader na si Allan Salazar.

Bago simulang kumpiskahin ng mga tauhan ng Action Line ang mga paninda ng mga vendors, nagbanta na di-umanoo ang mga ito at sinabing “Tang Ina nyo, kapag kinuha nyo mga paninda namin, magkakagulo tayo.”

Sumiklab ang mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawang grupo at kaagad na nagsuntukan at sipaan na nagresulta sa pinsala sa katawan ng mga complainants na sina Reynan, Wilfredo at Allan na kapuwa mga miyembro ng Action Line.

Sinabi naman ni Police Captain Jazon Lovendino, Sub-Station Commander na nakakasakop sa Barangay Kapasigan, na ang nasabing mga suspek ay mga illegal vendors sa nasabing lugar.

Harap-harapan din di-umanong sinuway ng mga vendors ang mga miyembro ng clearing operations team at nakipagsuntukan sa mga ito hanggang sa kontrolado na ng mga otoridad ang situwasyon.

Pagkatapos arestuhin, ipinaalam ng mga alagad ng batas ang konstitusyunal na Karapatan ng mga suspek bilang bahagi ng protocol kasabay ng pagdala sa mga ito sa Rizal Medical Center para sa kinakailangang atensyon medical.

Sinampahan na ang limang suspek ng kasong Direct Assault and Resistance at Disobedience to a Person in Authority at kasalukuyang nakapiit sa Pasig PNP Custodial Center.

About Author

Show comments

Exit mobile version