HUSTISYA ang sigaw ni Maricel Ninggo ng Brgy. Santolan sa brutal na sinapit ng kanyang anak na si Marvin Ninggo, isang Grade 12 student ng Santolan High School matapos itong mamatay dahil sa pagkakapalo sa ulo gamit ang isang dospordos noong November 11, 2022.
Ayon sa salaysay ng ina ng biktima, alas-8 ng gabi ng magpaalam si Marvin na susundo nakababata nitong kapatid na isa namang Grade 9 student sa nasabi ring eskwelahan kagaya ng nakagawian nito.
Dahil natagalan sa pag-uwi ang magkapatid, nag-alala na ang magulang nito at ilang sandali pa ay nakatanggap na ito ng mensahe mula sa sinundong kapatid na sila ay kasalukuyang nasa barangay hall at dadalhin di-umano si Marvin sa ospital.
Sa St. Camillus Hospital na nga naabutan ng ina ng biktima ang kaniyang anak at doon ay nagsimula na siya naging emosyonal nang makita ang kalunos-lunos na lagay ng anak.
Buhat-buhat ito ng kaniyang mga kaibigan na halos walang ng malay. Nagpalipat-lipat pa sila di-umano ng ospital bago tuluyang tinanggap si Marvin sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City,
November 12 naman ng ala-una ng madaling araw nang isalang sa operasyon pero matapos nito ay idineklara rin agad ng mga doktor na ang biktima ay comatose na dahil sa labis ng tinamong mga sugat sa kaniyang ulo.
Tumagal pa ng anim na araw sa hospital bago tuluyang ideklara ng mga doctor na si Marvin ay pumanaw na.
Lumantad naman ang isang saksi na nagngangalang alyas Jason at nagbigay ng patunay saalagim na dinanas ng biktima.
Ayon sa kaniya, tinambangan sila ng pitong kabataan ngunit dalawa lamang aniya ang mismong gumawa ng krimen at ang itinuturong suspek ay sina alyas Michael, 17 taong gulang at alyas Junior, 16 na taong gulang.
Ayon pa sa saksi, magkasama silang nagsusundo palagi ni Marvin ng kani-kanilang mga kapatid at nang gabing iyon may ilang hakbang lamang di-umaano ang layo nila sa isa’t-isa ngunit hindi niya agad napansin na may nakaabang na pala sa biktima.
Isinisisi naman ng ilang residente ang kawalan ng ilaw sa nasabing daanan kung kaya’t napakadilim di-umano at imposibleng makikilala mo agad ang iyong makakasalubong.
Sa ngayon ay nasa ilalim na ng kustodiya ng DSWD ang dalawang suspek na sumuko rin kaagad matapos ang insidente.
Nag-iwan naman ang mensahe ng ina ng biktima na si Maricel Ninggo na labis pa rin ang paghihinagpis dahil halos kamamatay pa lamang din ng kaniyang asawa na ama ng biktima.
“Mahal na mahal ko ang mga anak ko, sila ang buhay ko. Sa kanila ako humuhugot noong mamatay ang Papa nila,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni Ginang Ninggo.
Hustisya rin ang gustong makamit ng mga malalapit na kaibigan at mismong kapatid ni Marvin sa sinapit ng binata.