ARESTADO ang isang lolo matapos nitong tutukan ng baril ang apong babae dahil tumanggi itong makipagtalik sa kaniya, sa Sitio Labong, Brgy. Halayhayin, Pililla, Rizal, dakong alas-10:30 ng gabi, Hunyo 7, 2025.
Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun, provincial director, Rizal Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Enteng,” 66, step-grandfather ng biktima na kinilalang si alyas “Shane,” 18, ng nabanggit na lugar.
Ayon sa imbestigasyon, lasing umano ang suspek nang yayain nito ang kaniyang step-granddaughter na tabihan siyang matulog at inalok pa na bibigyan siya nito ng ₱2,000 kapalit ng pakikipagtalik.
Nang tumanggi ang biktima, agad na hinugot ng suspek ang baril na nakasukbit sa bewang nito at itinutok sa apo at nagbanta na papatayin siya kapag nagsumbong sa kaniyang ina.
Kumaripas ng takbo ang biktima at isinuplong nito ang mga pangyayari sa kaniyang ina na agad namang tumungo sa Pililla Municipal Police Station para humingi ng saklolo.
Nagsagawa naman agad ng operasyon ang mga awtoridad at tumungo sa kinaroroonan ng suspek at matapos arestuhin ay narekober mula sa kaniya ang ginamit na baril na pantakot sa biktima.
Nasa Pillilla Municipal Police Station custodial facility na ngayon ang suspek habang pinoproseso ang mga kasong isasampa laban sa kaniya partikular na ang paglabag sa Art. 282 o grave threats at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act may kaugnayan sa Batas Pambansa Bilang 881 ng Omnibus Election Code of the Philippines.