Tinalakay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping ang lumalalang isyu sa West Philippine Sea.
Nagkausap ang dalawa sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa San Francisco, California sa Amerika, kamakailan.
Inihayag ni PBBM ang kanyang pagkabahala sa tumitinding panggigipit ng China sa West Philippine Sea.
Kaugnay nito, sinabi ni Pangulong Marcos na nakabuo na sila ni President Xi ng isang mekanismo para mabawasan ang tensyon sa WPS.
Binigyang diin pa ni PBBM na anuman ang hindi pagkakaunawaan, hindi dapat ito humantong sa paggamit ng dahas at pananakit sa mga mangingisdang Pilipino.