INILUNSAD ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang “One Education” sa ginanap na 3rd Joint Education Trifocal Management Committee Meeting kamakailan.
Layon nitong palakasin at pag-ugnayin ang mga reporma mula sa batayang edukasyon, mataas na edukasyon, teknikal-bokasyonal na edukasyon, hanggang sa pag-unlad ng lakas-paggawa (workforce).
Sa ilalim ng temang “Maraming Landas, Isang Sistema. Para Sa Bawat Pilipino,” ang One Education ang nagsisilbing unified brand at strategic communication platform ng trifocal education system.
Magtutulungan ang DepEd, CHED, at TESDA na maitatag ang tuluy-tuloy na education pathways, magkaroon ng malinaw na ugnayan ang mga learners, pamilya, paaralan, training institutions, at mga employer para sa mga oportunidad sa edukasyon mula sa tatlong ahensya.
Ang inisyatibong ito ay pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang edukasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng mas konektado, makabuluhan, at tumutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral, pamayanan, at ekonomiya.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ipinapakita ng One Education ang magkakasamang responsibilidad ng DepEd, CHED, at TESDA upang gawing mas madaling maunawaan at sundan ang sistema ng edukasyon.
“Ang One Education ay paalala na hindi magkakahiwalay ang pangarap ng ating mga learner. Kailangang mas malinaw ang tulay mula basic education papunta sa kolehiyo, technical-vocational training, trabaho, negosyo, at lifelong learning,” pahayag ni Angara
“Kapag mas magkakaugnay ang sistema, mas madali para sa bawat Pilipino na makita kung saan siya puwedeng magsimula, umusad, at magtagumpay,” dagdag pa ng Kalihim.
Binigyang-diin naman ni CHED Chairperson Shirley Agrupis kung paano direktang tumutulong ang inisyatiba para sa mas maayos na paglipat ng mga estudyante tungo sa kolehiyo.
“Nais nating gawing mas simple at magaan ang pagtapak sa kolehiyo para sa bawat Pilipinong mag-aaral. Sa pamamagitan ng One Education, tinitiyak natin na ang dating mga nakamit na akademik at technical achievements ng mag-aaral—mula sa senior high school o tech-voc programs—ay kinikilala at binibigyan ng kredito ng ating mga kolehiyo at unibersidad,” ang tinuran ni Agrupis.
“Tinitiyak nito na walang pagsisikap ang masasayang habang nagtatayo tayo ng mas direkta at maayos na daan para matagumpay na makalipat ang ating mga mag-aaral patungo sa makabagong lakas-paggawa,” paliwanag pa ni Agrupis.
Itinampok naman ni TESDA Secretary Francisco “Kiko” Benitez na sa ngayon, ang mga kasanayan (skills) ang naging pandaigdigang pamantayan, kaya’t mahalaga ang isang nagkakaisang sistema ng edukasyon upang matulungan ang mga mag-aaral na umunlad sa bagong katotohanang ito.
“Ibang iba na ang demands sa trabaho ngayon kumpara noon. Kaya ang edukasyon, dapat sumasabay din sa panahon. In the past two years, we have been building seamless education pathways for Filipino learners. Anumang industriya ang nais mong pasukin at anuman ang iyong background, mayroong malinaw na daan para sa pangarap mo,” wika ni Benitez.
“Nakapaloob sa One Education ang ating layunin na pagbutihin ang access upang makakuha ng mga bagong kasanayan, sertipikasyon, o magpatuloy ng karagdagang pag-aaral. Dahil mapa-tech-voc, senior high, o college—lahat yan mayroong ruta para sumakses,” dagdag pa niya.
Kasabay ng paglulunsad, ipinakilala rin ng mga ahensya ang Education Reform Fellowship (ERF), isang pangunahing programang magrerekrut, magsasanay, at magsisilbing gabay sa mga batang propesyonal at talentong may layuning mag-ambag sa mga reporma sa edukasyon at lakas-paggawa.
Sa pamamagitan ng ERF, ang mga fellow ay magkakaroon ng karanasan sa paggawa ng patakaran, pagpapatupad ng programa, pagsusuri ng datos, pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder, estratehikong komunikasyon, at koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya.
Nilagdaan din ang Memorandum of Agreement kasama ang Analytiks, Inc. para sa Project TAHANAN, isang isang learner traceability at interoperability initiative na naglalayong pagbutihin ang learner tracking sa basic education, higher education, technical-vocational education, at workforce development pathways.
Susuportahan nito na ligtas at maayos ang pagbabahagi ng datos upang makabuo ang pamahalaan ng mas mahusay na mga patakaran, programa, at mekanismo ng suporta sa mag-aaral sa buong yugto ng edukasyon at pagtatrabaho.
Sa kabuuan sama-samang isinusulong ng One Education, ERF, at Project TAHANAN ang iisang layunin: gawing mas malinaw ang mga reporma sa publiko, palakasin ang mga taong magpapatupad nito, at pagbutihin ang datos para sa mga desisyon sa buong sistema ng edukasyon.
Muling pinagtibay ng DepEd, CHED, at TESDA ang kanilang komitment na magtulungan para sa mas konektado, nakatutok sa mag-aaral, at handa sa hinaharap na edukasyon para sa bawat Pilipino.

