KINATIGAN ni former Interior Secretary at senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang panawagan na baguhin ang ilang probisyon sa rice tariffication law upang maisakatuparan ng ilang ahensiya ng gobyerno ang kanilang mandato para matulungan ang mga magsasaka sa bansa.
Sa pakikipagpulong ni Abalos sa mga magsasaka, Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), at Magsasaka Partylist, nalaman nito ang mga hinaing at hanapan ng solusyon ang kanilang mga dinaraing.
“Importante sa isang bansa ang mayroong pagkain at ang nagpapakain sa ating bansa ay kayong mga magsasaka. Kaya dapat lamang na makinig at pakinggan ang mga problema at isa-isahin natin kung paano ito masosolusyunan,” ani Abalos.
Para kay Abalos, simple lang ang solusyon: bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang NFA na bumili ng palay mula sa mga magsasaka at nang maibenta ito ng mabilisan, na ayon sa dating kalihim ay wala nito sa kasalukuyan.
Ang masaklap pa dito ayon kay Abalos, ay na sinasamantala ng mga abusadong negosyante ang kasalukuyang sistema kaya kaya nilang manipulahin ang presyo ng bigas sa merkado.
“Kailangan nang amyendahan ang rice tariffication law. Ang NFA dapat ay may otoridad na bumili ng palay direkta sa mga magsasaka at ibenta ito sa publiko ng regular,” dagdag pa ng dating alkalde ng Mandaluyong City.
“Itong araw na ito, huwag kayong mag-alala, alam ko po galing pa kayo sa malayong lugar, pero itong araw na ito ay nagkaisa itong grupo ng mga magsasaka at ang grupo ng gobyerno – ang DA at NFA. Ako naman kung ano ang maitutulong ko dahil iyan ang aking adbokasiya. Kung papalarin akong maging senador, itutuloy ko ang laban sa Senado,” panawagan ni Abalos.
Bilang suporta, sinabi ni former agriculture secretary Leony Montemayor na isa pa sa dapat i-amyenda ay ang pagbili ng bigas sa mga farmer cooperatives at Local Government Units (LGUs) na may rice processing centers.
“Kami po ay kasama po ninyo sa aming mga hangarin lalo na po sa pagbabago ng mga sistema ng ating mga palayan lalo na po at kasama natin si Secretary Abalos. Magtutulungan po tayo nang husto para yung mga dapat baguhin sa RTL,” ang pahayag ni Montemayor.
Pinuri naman ni Atty. Argel Cabatbat ng Magsasaka Partylist si Abalos matapos ang nasabing pakikipagpulong kung saan direkta aniyang nalaman ng mga magsasaka kung ano pa ang kailangang baguhin.