33.4 C
Manila
Wednesday, March 26, 2025

Mayor Marcy umalma sa ‘political persecution,’ mga alegasyon lalabanan

ITO ang tinuran ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro matapos matanggap ang inilabas na preventive suspension ng Office of the Ombudsman kaugnay sa isinampang kaso laban sa kaniya.

Kasama sa nasabing anim na buwang suspensyon si Vice Mayor Marion Andres at iba pang mga opisyal ng lungsod kaugnay rin sa isinampang kaso laban sa kanila ng isang nagngangalang Sofronio Dulay.

Matatandaan na sinampahan si Teodoro ng kasong technical malversation Agosto noong nakaraang taon kaugnay umano sa maling paggamit ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa panahon ng pandemya.

Ang nasabing pagsampa ng kaso ay itinaon isang buwan bago ang filing ng certificate of candidacy na ayon sa alkalde ay sinadya upang siya ay madiskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) na kabaligtaran ang nangyari.

Ayon kay Teodoro, ang nasabing alegasyon ay pinasinungalingan mismo ng audit report kung saan ang nasabing pondo na remittances mula PhilHealth noong 2021 ay hindi pa nagagalaw, bagay na pinag-aaralan pa nila kung paano ito gagamitin.

“Ako ay isang biktima ng political persecution,” ayon sa inilabas na opisyal na pahayag ng alkalde kahapon ng hapon matapos matanggap ang nasabing preventive suspension.

BASAHIN  Infra projects na ipinahinto ng COA, lalong tumagal dahil sa pandemic at election ban

“Naniniwala ako na ang ipinataw na preventive suspension ay ‘politically motivated’ at bahagi ng mas malawak na intensyon na harangain ang aking kandidatura sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025,” dagdag pa ng alkalde.

Sa desperadong pagtatangka, sinabi pa ng punong lungsod na sinampahan siya ng maraming gawa-gawang kaso hindi lamang sa Ombudsman kundi pati na rin sa Commission on Audit (COA), Comelec, Civil Service Commission (CSC) at iba pang ahensya ng gobyerno.

Kwestyonable rin umano ang timing ng paglabas ng suspensyon kung saan ilang araw na lang ay magsisimula na ang opisyal na pangangampanya ng lokal na mga kanidato tulad niya.

“Isa itong kalkuladong pampulitikang pag-atake na sinadya upang sirain at wasakin ang aking pangalan at kandidatura, gayundin na sirain ang tiwala ng mga taga-Marikina sa aking liderato,” giit pa ng punong lungsod.

Sinabi pa ni Teodoro na malinaw na may tao o mga indibidwal aniya ang nasa likod nito kung saan nakikita nila ang malaking banta sa kaniyang pamumuno.

BASAHIN  Task Force “Alectryon,” inilunsad ng FDA

“Haharapin natin ito nang direkta ng may transparency at accountability at kumpiyansa kami na makakapaghain ng malaks na depensa upang mapatunayan ang mga paratang at akusasyon na walang basehan,” sabi ng alkalde.

Tiniyak pa ni Teodoro na mananatili siyang kandidato sa mid-term elections at hiling niya sa kaniyang mga kababayan na ipagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa kaniya, maging kalmado at huwag magpagambala sa anumang ingay pulitika.

About Author

IBA PANG MGA BALITA

Stay Connected

830,000FansLike
50FollowersFollow
87,000SubscribersSubscribe

KARAGDAGANG MGA BALITA