3 suspek sa panggagahasa isinuko ng mga kamag-anak sa Pasig PNP

0
85
3 construction workers arestado sa panggagahasa sa Pasig (Photo: Pasig PNP)

INIHAIN ng mga operatiba ng Pasig City Police Station Intelligence Section kasama ang RIU-NCR, NISG-NCR, RMFB4A 404th A Maneuver Company at iba pang unit, ang warrant of arrest sa tatlong construction workers na sangkot sa panggagahasa sa isang estudyante sa Pasig City na nangyari noon pang Setyembre 3, 2017.

Ayon sa report na tinanggap ni PCol. Hendrix Mangaldan, chief of police ng Pasig City, kusang isinuko sa mga awtoridad ng mga kamag-anak ang mga suspek nitong Pebrero 13, 2025, alas 12:50 ng hapon sa napagkasunduang lugar sa P. Gomez Street, Brgy. San Jose, Pasig City.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ward,” 28, may live-in partner, No. 6 sa top most wanted ng NCRPO, alyas “Renz,” 28, binata, No. 4 sa top most wanted ng EPD, at alyas “Mar,” 28, binata, No. 4 sa top most wanted ng Pasig PNP, na pawang mga construction worker at lahat ay nakatira sa Brgy. Pinagbuhatan ng nasabing lungsod.

BASAHIN  Mahigit ₱400-K 'shabu' nasabat sa Caloocan

Sinabi ni Mangaldan na inaasahan nila na sumuko na rin ang ika-apat na lalaking suspek, isang menor-de-edad na estudyante na kabilang sa child in conflict with the law (CICL) at hinimok ang mga kamag-anak na isuko na rin ito sa mga awtoridad.

Idinagdag pa ng chief of police na niyaya umano sa bahay ng ika-apat na suspek ang 18-anyos na kaibigang estudyanteng biktima na makipag-inuman kasama ang tatlo pang suspek at doon nangyari ang panghahalay noong Setyembre 3, 2017.

Ang warrant of arrest laban sa mga suspek ay inisyu ni Presiding Judge Jesus Angelito Huertas, Jr. ng Regional Trial Court Branch 261 ng Pasig City sa kasong rape sa ilalim ng Article 266-A paragraph 1 ng Revised Penal Code na inamyendahan ng RA 8353 at may dagdag na amyenda ng RA 8369 kung saan walang inirekomendang piyansa.

BASAHIN  3 empleyado ng LTO na nagpuslit ng mga plaka arestado; pagtugis sa ‘pinuno’ ikinasa

About Author