TUTUTUKAN ni senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang tulong na fuel subsidy para sa mga opisyal at miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Metro Manila na matagal nang naantala.
Sa isang pulong kasama ang United Federations of Tricycle Operators and Drivers Association (UF-TODA) na pinangunahan ni Ace Sevilla sa Cuneta Astrodome sa Pasay City nitong Pebrero 5, binigyang pansin ni Abalos ang mga hinaing ng mga nasa tatlong gulong kaugnay sa hirap na kanilang nararanasan sa pagkuha ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Sinabi ng grupo na paulit-ulit nilang idinadaing sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isyung ito ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon mula sa ahensya.
Ayon kay Sevilla, nais ng grupo na gawing simple ang distribusyon at idaan na lamang ang P1,000 fuel subsidy sa mga lokal na pamahalaan sa halip na idaan sa GCash dahil malaking tulong ito aniya sa kanilang pamamasada.
Sinabi ng dating DILG secretary na batay sa kaniyang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng TODA, nalaman niyang hindi lahat ng tricycle drivers ay may smart phone, kaya’t ang iba sa kanila ay walang GCash account.
“Nauunawaan ko ang mga alalahanin ninyo sa tatlong gulong dahil nakipagtulungan na rin ako sa inyo sa loob ng maraming taon, kabilang na ang pagiging legal na tagapayo ng TODA, lalo na sa Mandaluyong City,” sagot ni Abalos sa mga dumalo.
Sa nasabing pagpupulong, nangako si Abalos na tutulungan ang mga miyembro ng TODA upang matiyak na matatanggap nila ang fuel subsidy na nararapat sa kanila sa pamamagitan ng mga ahensya ng gobyerno.
Ang fuel subsidy ay inisyatibo ng pamahalaang nasyunal yerno upang matulungan ang mga operator at drivers na makayanan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Bagamat nakatanggap na ang mga operator at drivers ng jeepney at iba pang pampasaherong sasakyan ng subsidy, ang ilan sa mga miyembro ng TODA ay hindi pa rin nakikinabang dahil sa mga hamon ng e-wallet.