NAKATANGGAP ng tulong medikal at libreng bigas ang mahigit sa 500 katutubo na nakatira sa bulubunduking bahagi ng lalawigan ng Rizal espisipiko na sa Brgy. Pintong Bukawe sa bayan ng San Mateo.
Ayon kay Atty. Apolo Glenn Emas, ikatlong nominado ng PINOY AKO Partylist, namahagi sila ng tig-5 kilong bigaw bawat isa sa mahigit sa limang daang mga katutubo na kinabibilangan ng mga Dumagat at Remontado.
“Pero bago tayo namahagi ng tig-lilimang kilo ng bigas, nagsagawa muna tayo ng konsultasyon medikal sa mga residente na mga katutubo (indigenous people) kasama ang ating masisipag na mga doktor upang malaman natin ang kanilang kalagayan sa kalusugan,” dagdag pa ni Emas.
Sinabi pa ni Emas na ipagpapatuloy nila ang kanilang adhikain sakaling manalo sa darating na eleksyon, kabilang na rito ang mga programang pangkabuhayan sa iba’t ibang panig ng bansa at pagpapatayo ng unibersidad para sa mga katutubo.
“Kailangan na mabigyan natin ng pagkakataon ang mga katutubo na makapag-aral, makapagtapos, at magkaroon ng maayos na hanapbuhay,” ayon pa sa ikatlong nominado.
Dagdag pa ni Emas na batay sa kanilang pag-iikot sa mga liblib na lugar at kabundukan, malaking hamon aniya ang kakulangan sa mga serbisyong medikal at kawalan ng permanenteng hanapbuhay at napakaraming pulitiko ang nangangako ng kung anu-ano ngunit walang konkretong naging aksyon para tumulong sa mga katutubo.
Nagpasalamat naman si Pastor Ronnie Dadulo, na isa mismong katutubo ng Brgy. Pitong Bukawe sa tulong na natanggap ng kanilang komunidad.
“Napakalaking tulong nito sa amin lalo na’t bihira kaming makatanggap ng ganitong uri ng programa. Susuportahan namin ang PINOY AKO Party-list dahil nakikita naming tunay ang kanilang adhikain at nakatuon sa pangangailangan naming mga katutubo,” ang pahayag ni Dadulo.
Ito na ang ikaapat na medical mission, feeding program, at pamimigay ng ayuda ng PINOY AKO Party-list sa loob ng halos isang buwan dahil kamakailan ay nagsagawa rin sila ng kaparehong aktibidad sa isang liblib na lugar sa Tanay, Rizal, na pinaninirahan din ng mga katutubo.