Anti-illegal drug campaign sa Pasig paiigtingin pa ni Mayor Vico

0
112
Anti-illegal drug campaign sa Pasig paiigtingin pa ni Mayor Vico (Photo: Pasig PIO)

NANGAKO si Pasig City Mayor Vico Sotto na paiigtingin pa ng kaniyang administrasyon ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot sa lungsod.

Ito ang binigyang-diin ng alkalde sa isang kick-off ceremony para sa pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control Week na ginanap sa temporary city hall sa Bridgetown sa Barangay Rosario.

Ayon pa sa alkalde, malaking tulong aniya ang kasalukuyang isinasagawang educational campaign na ginagawa sa mga eskuwelahan para magbigay babala sa mga estudyante sa kapaha-pahamak na resulta ng illegal drugs.

Sinabi pa ni Sotto na isa pa sa mahalagang hakbang ay ang pagbibigay ng livelihood program sa mga pamilya na naging biktima ng ipinagbabawal na gamot upang maalalayan ang kanilang pag-ahon mula sa pagkasadlak sa bisyo.

BASAHIN  Kontrata sa kontrobersyal na ₱9.2-B new city hall project ng Pasig nilagdaan na

Binigyang-diin din ng punong lungsod na kailangan aniyang mabawasan kung hindi man tuluyang mahinto, ang daloy ng suplay ng ilegal na droga mula sa mga dealer patungo sa mga pusher.

“Opo, importante ang supply-side reduction—ang paghahabol sa mga pusher, ng dealer—pero sa totoo mas importante pa po yong demand-side reduction,” giit pa ni Sotto

Ipinaliwanag pa ng alkalde na kahit naging matagumpay ang mga isinasagawang buy-bust at entrapment operations ng mga awtoridad ay wala din aniyang kuwenta ang mga ito kung mayroon pa ring mga parokyano na siyang nagpapanatili ng patuloy na suplay ng ilegal na droga.

Pinasalamatan naman ni Sotto ang Pasig City Anti-Drug Abuse Office sa walang humpay na mga kampanya at pakikipagtulungan nito sa pulisya upang mabawasan ang problema sa ilegal na droga sa lungsod at makapagbigay ng tulong sa mga naging biktima nito.

BASAHIN  Bagong MMDA Command Center, pinasinayaan

About Author